
|

|

Bago
natin bigyang puna ang nilalaman ng sanaysay na ito, mabuting malaman muna natin ang mga dahilan kung bakit ito naisulat ni
Rizal. Noong ika-12 ng Disyembre, 1888 may isang grupo ng dalawampung kababaihan ng Malolos ang nagpetisyon kay Gobernador
Heneral Weyler ukol sa paghingi nila ng permiso upang mabuksan ang isang pang gabing paaralan na magtuturo sa kanila ng wikang
Kastila sa pamamatnubay ni Ginoong Teodoro Sandiko. Agad naman itong tinutulan ni Padre Felipe Garcia, na siyang kura ng Malolos
noon kaya naman hindi na sumang-ayon ang Gobernador Heneral. Taliwas sa inaasahan nila, hindi ito naging sanhi ng pagkawalang
pag-aasa ng mga kababaihan, bagkus ipinagpatuloy parin nila ang paghingi ng permiso at nang sa huli ay pinayagan din sa kondisyon
na ang magiging guro nila ay si Senora Guadalupe Reyes.
Naging kapansin-pansin ang pangyayaring ito sapagkat lubhang
madalang ang mga ganitong uri ng insidente na nagpapakita ng angking katatagan at determinasyon ng mga kababaihang Pilipina.
Isa na marahil sa mga dahilan kung bakit hindi laganap ang pagpupumilit o pagiging agresibo ng mga kababaihan ay sa mga itinalagang
“norms o standards” ng simbahan kung paano maging isang “babae” at ang papel nito sa lipunan, alinsunod
din sa sistemang “patriarchal” na isinulong ng mga Kastila. Dahil dito, nakita ni Del Pilar, na ang ginawang pagpupursige
ng mga kababaihan sa Malolos ay dapat magsilbing ehemplo at inspirasyon hindi lamang sa mga kababaihan kundi sa buong bayan
na rin. Agad niya itong sinabi kay Rizal at naki-usap siyang magsulat ito ukol dito, kaya naman noong Ika-22 ng Pebrero, 1889
naipadala na sa Malolos ang liham.
Sa simula ng liham, tinanong kagad ni Rizal sa sarili kung ang pagpapakita ng katapangan
ay laganap sa mga Pilipina. Dahil sa tanong na ito, hinalungkat niya ang kanyang mga alaala mula pagkabata at sa huli ay natanto
na kaunti lamang ang aabot sa konseptong ito. Oo nga at maraming mga babae na magaganda ang ugali, mapagkumbaba at malilinis
ang kalooban ngunit karamihan sa mga ito ay sunud-sunuran lamang sa mga kagustuhan ng mga kura na tila mga halamang pinalago
sa dilim. Noong narinig niya ang balita tungkol sa naganap sa Malolos, agad itong nagsaya sapagkat nakita ni Rizal na ang
ginawa ng mga kababaihang ito ay ang unang hakbang sa pagsusulong sa kapakanan ng bayan dahil sa pagpapakita nito ng mabuting
ehemplo sa iba pang tulad nila dati na naghihintay na maimulat ang mga mata sa katotohanan.
Mula dito, hindi na kinakailangang
iyuko ng mga Pilipina ang kanilang mga ulo sa kahihiyan o patuloy na palakihin ang kanilang mga anak sa kasinunggalingan.
Tama na rin ang sobrang pagpapakumbaba sa harap ng walang tigil na pang-insulto at paghamak. Ngayon na nila dapat mabatid
na hindi magkapareho ang ninanais ng Diyos at nang mga kura, at mas mahalaga dito ay ang pagkakaiba ng depinisyon ng relihiyon.
Ang tunay na relihiyon ay hindi lamang nauukol sa pagluhod ng matagal habang nagdadarasal, o ang pagkakaroon ng mga rosaryo,
nobena at bibliya ngunit ang mas dapat bigyang pansin ay ang pagkakaroon ng magandang ugali, paninindigan at matuwid na paghusga.
Sa
mga sumunod na talata, mapapansin ang pagtalakay ni Rizal sa mali at bulag na pagsunod sa simbahan. Sinabi niya na karuwagan
at isang kamalian ang maniwala na ang pagkabanal ay kinabibilangan ng bulag na pagsunod. Ginawa tayo ng Diyos sa kanyang imahe
at pagkakatulad at hindi Niya nais na tayo ay niloloko o ginagawang tanga. Kaya naman gusto niyang gamitin natin ang ilaw
ng pag-iisip na kanyang ibinigay sa ating lahat. Ang ilaw na ito ang siyang magsisilbing liwanag sa pagtahak natin sa iba’t
ibang landas. Isa pang dapat natin tandaan, ay ang pagiging angkin ng mga ilaw na ito. Hindi tayo dapat sumunod sa liwanag
ng iba sapagkat ang ilaw na iyon ay para sa kanila lamang. Bakit ba natin kakailanganin pang tumingin sa liwanag ng iba kung
tayo mismo ay binigyan na nito? Ayon kay Rizal, kadalasang sinasabi ng mga manlilinlang ay mali ang magtiwala sa sariling
desisyon ng mga tao sapagkat lumalabas silang nagkukunwaring mga mensahero ng Diyos. Dahil dito, hindi raw dapat makinig lang
sa sariling pagpapasya kundi dapat mas lalo pa sa ibang mga tao. Ngunit sa katotohanan, kahit ano pang pilit ng mga kura na
tanggalan tayo ng sariling pag-iisip o kontrolin ang ating mga saloobin, mananatili parin ang konklusyon na kaya nila ito
nagagawa sa atin ay dahil sa nakikita nila ang ating mga kahinaan o lalo pa nilang ginagamit sa kanilang panig ang ating pagtatanga-tangahan.
Tinalakay
din ni Rizal ang papel ng mga kababaihan bilang mga Ina na siyang nagpapalaki sa susunod na lahi ng mga Pilipino. Kinuwestiyon
nya ang uri ng mga mamamayan na mabubuo kung ang ina na nagpalaki sa kanila ay walang alam kundi ang magdasal at mag nobena
lamang. Hindi niya ito sinabi bilang pagmamaliit sa kapasidad ng mga kababaihan, sinabi niya ito dahil alam niyang lubhang
masunurin ang mga Pilipina at ang ugaling ito ay siyang dahilan kung bakit siya madaling mamanipula ng simbahan. Kung titignan
kasi natin ang sitwasyon, kung puro pagluhod, paghalik sa kamay at pagsunod sa mga utos ng pari ang alam na gawin ng bata,
anong klaseng Pilipino ito paglaki nila?
Sa aking pananaw, hindi pupulaan ni Rizal ang mga Prayle kung wala itong nakikitang
mga hindi magagandang bagay dito kase kung iisipin natin sino nga ba namang tao na nasa wastong pag-iisip ang magagalit nang
walang rason? Binanggit niya dito sa sanaysay na kung ang mga prayle ngang ito ay mga representante ng Diyos, bakit hindi
sila marunong tumulong sa kapwa? Bakit imbes na gamitin ang pera ng simbahan sa pagpapakain ng mahihirap, ginagasta lamang
nila ito sa pagbili ng mga mamamahaling dekorasyon sa altar? Sinabi rin ang ukol sa paghalik sa mga kamay nito na hindi naman
daw naging ugali ni Hesus at ang implikasyon na nagpapakita lamang ito ng kanilang egoismo o mataas na pagpapahalaga sa sarili
na hindi naman angkop sa kanila sapagkat dapat nga sila maging mapagkumbaba kung tunay at matapat sila sa kanilang tungkulin
bilang mga alagad ng Diyos. Dagdag pa dito, hindi dapat nanghihingi ng pera kapalit ng mga dasal nila dahil kung ang Santong
si John nga ay hindi nanghingi ng kahit ano mang kapalit sa kanyang pagbibinyag sa ilog Jordan at maging si Hesus na walang
hiningi bilang kapalit ng kanyang pagtuturo. Kung palalawakin natin ang larawan na ito, ang nais lamang sabihin ni Rizal ay,
ito ang uri ng mga taong sinusunod natin sa lipunan. Sinasabi nilang batid kuno nila kung ano ang nararapat dahil nga sila
ang mga pinili ng Diyos upang magsilbing ilaw ng buong sanlibutan. Ang problema nga lang sa ganitong sitwasyon ay hindi nakapagbigay
liwanag ang mga prayleng ito sa mga mamamayan bagkus nagpakita lamang ng mga ugaling malayo sa imahe ng Diyos na kulang na
lang ay sabihin mong ang Diyos mismo ay nabibili ng pera at maluho sapagkat ganitong klase ang kanyang mga alagad.
Kung
pagdudugtungin natin ang dalawang mahahalagang debate dito sa sanaysay, makikita natin ang nais palabasin ni Rizal. Sa aking
pananaw, ang akdang ito ay ginawa niya upang lubos na malirip ng mga kababaihan ang kahalagahan nila bilang mga unang impluwensya
o tagahubog ng bawat batang pinapanganak maging babae man o lalaki ito. Gusto kasi ni Rizal na mamulat ang mga Ina sa tunay
na imahe ng Diyos at hindi sa imaheng ipinapakita ng mga prayle sa kanila. Bukod sa tamang asal, dapat ding ituro ang pagmamahal
sa bayan, karangalan at katapatan sa tungkulin. Higit pa rito ang kahalagahan ng edukasyon at pag-aaral sapagkat ang kamangmangan
para sa kanya ay isang dahilan ng pagkaka-alipin, sapagkat kung ano ang isip ay gayun din ang tao at ang taong walang sariling
isip at pagkatao ay bulag na taga sunod lamang sa iba na parang hayop na susunod sunod lamang sa isang tali.
Maliban
pa dito, mayroong pitong bagay na binigyang linaw mi Rizal bilang mga rason kung bakit dapat siya paniwalaan:
Una:
nagaganap lamang ang pagiging dominante ng iba kung ang iba ay duwag at mapagpabaya.
Ikalawa: Nagiging kahiyahiya ang
isang tao ay kung siya ay natatakot sa mga taong ikinakahiya siya.
Ikatlo: ang pagiging ignorante ang siyang nagdudulot
ng pagka-alipin. Kung paano mag-isip ang tao, ay ganito rin ito. Ang indibidwal kasi na hindi nag-iisip para sa kanyang sarili
at pumapayag na sumunod na lamang sa iba ay parang hayop na kinokontrol lamang ng tali.
Ikaapat: Ang taong nagmamahal
sa kalayaan, ay dapat munang tumulong sa kanyang kapwa sapagkat ang taong hindi tumatanggap ng proteksyong dala ng ibang tao
ay makikita sa huli na wala siya nito,tulad na lamang ng mga walis tingting na nawala ang tali at naging magkakahiwalay.
Ikalima:
Kung hindi babaguhin ng mga Pilipina ang kanyang moda ng pagkatao, dapat tumigil na ito sa pagpapalaki ng mga anak. Sapat
na ang manganak ito pero hindi na dapat ito magsilbing ilaw ng tahanan at humubog ng mga anak sapagkat ipinagkakanulo nila
nang hindi nalalaman ang kanilang mga asawa, anak at ang bayan.
Ikaanim: Lahat ng tao ay ipinanganak ng pantay-pantay.
Hindi lumikha ang Diyos ng nilalang na magiging alipin o di kaya’y binigyan tayo ng katalinuhan upang magpaloko lamang.
Hindi masama ang humanga sa kapwa at higit na paunlarin ang kamalayan at katalinuhan, nagiging masama lamang ito kung nagpapanggap
na ito bilang Diyos at ginagamit ang kapangyarihang iyon sa pang-aalipin ng ibang tao ubang sumunod ito sa mga gusto nila
na hindi naman tama at makatarungan.
Ikapito: Dapat pag-isipang mabuti kung anong uri ng relihiyon ang tinuturo nila.
Maingat ninyong suriin kung ang nais ba ng Diyos ang mga ipinapagawa nila pati na rin ang kanilang mga itinuturo.
Mula
dito sa pagtatapos ng sanaysay ni Rizal makikita natin na maraming dapat mabago sa lipunang Pilipino noong panahong iyon.
Noong sinumulan kasi tayong sakupin ng mga Kastila, nawala na ang pagiging kritikal ng mga mamamayan. Hindi na nila binibigyang
puna o iniintindi ang mga bagay-bagay sapagkat ang gustong mangyari noon ng mga Kastila ay kung ano ang sabihin sa kanila,
susunod na lang nang walang mga tanong. Dahil sa ganitong kondisyon ng bansa, nakatulong nang malaki ang ginawang pagpapakita
ng determinasyon ng mga kababaihan ng Malolos sa paghingi ng kahit kaunting reporma tulad ng pagpayag sa pagbuo ng paaralan
nila doon. Bagamat ang isyu ukol sa pagkatao at ugali ng mga kababaihan ang naging sentro ng sanaysay, hindi natin maikakaila
na sa katotohanan, tinatalakay dito ang mga bagay na dapat matutunan o mailagay sa isip ng bawat Pilipino. Isa rin itong mapagpalayang
akda sapagkat kitang kita dito ang pagpapahalaga ni Rizal sa intelektwal na kapasidad ng bawat tao na siya namang pilit na
kinukondena at kinokontrol ng mga mananakop. Naniniwala ako na noong panahon na iyon, natatakot lamang ang mga tao na paunlarin
ang mga sarili nila sapagkat alam nila na masyadong mapagmataas ang mga kastila at kapag nakakakita ito ng mga taong ka lebel
nila sa konteksto ng edukasyon at kaalaman, di malabo na tawagin nila itong mga erehe kahit walang sala. Sa aking pagtatapos
gusto ko lang sabihin na nakita ko sa liham na ito ang mga bagay na dapat baguhin sa lipunan noon at para sa akin, kung susundin
ito ng bawat mamamayan, hindi na maghahari-harian ang mga Kastila at hindi na nila tayo mapasusunod sa mga nais nilang mangyari
sapagkat alam natin na kahit ano pa man ang ating gawin, isinusulong lamang nila ang kanilang interes at hindi nang sa mga
Pilipino o nang sa Pilipinas.
|

|

|