
|

|

Sinimulan ni Rizal ang sulating ito sa pamamagitan ng pagsasaad na halos lahat ng uri ng tao na galing sa ano pa
mang bansa; mayaman man o mahirap, may liberal na kaisipan o pilit na ikinakahon ng kolonyal na sistema ay naisip na o nagmuni-muni
ukol sa kani-kanilang inang bayan. Marahil ito ay bunga ng kadahilanang ang Inang Bayan ay masasabi nating tila isang liwanag
na kahit ano pa man ang ibalot dito, ay nagpupumiglas na kumislap tulad ng pagtagos ng mga sinag nito sa bubog na buhay na
buhay at likas na madarama.
Batid man niyang palipat lipat siya ng bansa, hindi ito hadlang sa paggunita sa isang dakilang
bagay na siya naman talagang dapat pag-ukulan ng pansin at pag-alayan ng pag-ibig. Bagama’t hindi man lubos ang pag-alala
o bahagya man lamang ang napukaw sa saloobin at kaluluwa dahil sa tagal ng pagkakahiwalay, hindi ito magsisilibing balakid
sa pagbibigay ng pag-unawa sa kanya at paglingon sa ginawang paglingap nito. Malayo man daw ang nararating ng mga nangingibambayan,
sa puso nito at isipan ay sadyang mananatili ang pagnanais na mabuksan ang mga mata ng bayan kahit sa pamamagitan lamang ng
pag-aalay ng munti tinig na bahagyang makapag-aalis sa mga ulap na bumabalot dito.
Ang ganitong pag-uugali ay natural
sa mga tao sapagkat ang pagmamahal sa sariling bansa ay sadyang katutubo. Maari nga bang hindi mahalin ang isang lugar na
iyong unang kinagisnan at walang pag-iimbot na nagbigay sa iyo ng masisilungan, buhay, pag-ibig at pag-asa sa hinaharap? Saan
ka nga ba makahahanap ng angkang tatanggapin ka sa piling nila at ibabahagi sa iyo ang kanilang mga paniniwala pati na rin
ang kanilang mga kuro-kuro at damdamin sa mga bagay-bagay? Ang isa pa marahil ay ang dahilang kahit ano pa ang mangyari sa
iyong buhay, maging malungkot man at masalimuot ang iyong kahihinatnan, ang lugar paring ito ang magbibigay ng puwang sa iyong
huling hininga tungo sa pagsasauli sayo sa sinapupunan ng lupang iyong pinagmulan at sa huli’y magiging libingan. Datapuwat
ano pa mang mukha ng inang bayan ang ipakita sa atin, ay lugod natin itong tatanggapin at ipagbubunyi kahit na isa itong imahen
ng pagdurusa, pagka-alipin o ang pang-aabuso at paglapastangan ng mga makapangyarihan at mayayaman.
Dagdag pa rito
ay ang katunayan na habang lalong aba at nagdurusa ito ay lalo naman siyang sinasamba hanggang sa punto na ang kaligayahan
ay nakakamit sa pagtitiis dahil sa kanya. Halimbawa na lamang ang mga taong naninirahan sa mga liblib na pook at malalayong
kapatagan na hindi alintana ang kahirapan ng buhay sa paglilinang ng damdaming makabayan na tulad din ng taong nasa siyudad
o ibang bansa na kusa ring babalik sa kanya dahil sa pagkainip at pananabik na mamuhay sa kanyang tinubuang lupa. Patunay
lamang na wala nang mas magiging dakila, magiting at wagas sa pagmamahal sa inang bayan.
Marahil nga na ang pag gunita
ng nakalipas ang siyang nagpapatibay sa taling bumibigkis sa atin at ng lupang sinilangan kaya hindi dapat pasakitan ng loob
ang mga taong nawawalay dito dahil masaklap lamang ang pag-gising sa mga sawimpalad na ito dahil lubos na nilang nararamdaman
ang sakit ng pagkakalayo sa inang bayan. Maaaring lumaki, tumanda at mamatay tayo ngunit tulad ng naunang mga talata, ang
damdaming ito ay hindi mawawala sa atin tulad na rin ni Napoleon na noong nasa bingit na ng kamatayan ay sinabing nais niyang
mailibing sa kanyang Pransya at maski si Ovid na noong hindi na makabalik ng Roma ay itinatak sa isipan na kung hindi man
siya maka-uwi sa kinagisnang lupa, ay hayaan sanang ang mga tula niya ang makakita sa kaniyang kapitolyo.
Ito ang inang
bayan, at ang pag-ibig sa kanya lalo na’t kapag nakapasok sa puso ay hindi na maaari pang maialis o maglaho. Sapagkat
sa pamamagitan ng tunay na pag-ibig nakagagawa tayo ng mga dakilang bagay na walang bahid na personal na interes lalo na’t
para sa banal na kadahilanan. Mula sa kasaysayan, alamat at pati na rin sa personal na eksperyensiya ng indibidwal kakikitaan
na ito ng haplos ng pagmamalasakit. Maging sa kwento ni Brutus at ni Gonzales na hindi hinayaang ang relasyon sa dugo sa pamamagitan
ng kanilang mga anak ang sumira sa ganitong uri ng pag-ibig sapagkat bagama’t walang gantimpala na matatanggap sa ganitong
mga pagpapakasakit, ang pawis na mula sa noo ng manggagawa, ang kalyo sa kamay ng mga magsasaka at sa libu-libo pang mga halimbawa
na maaari nating ibigay, isa lamang ang pinatutunguhan nito—at iyon ay ang pagtaas sa dambana ng bayan.
Sa mga
huling talata ng akdang ito ni Rizal sinabi niya na ang inang bayan ay nasa panganib. Kay dami nang mga ama ang nagbigay ng
kanilang buhay sa pagtatanggol nito, hindi iniisip ang pamilyang maiiwan at ang buhay na tinalikuran para lamang sa pagtugon
sa sigaw ng pagdurusa. Ipinara ng iba ang kabataan upang magpakadalubhasa at ialay ang angking talento at kaalaman sa pagpapabuti
ng kalagayan nito, makapag-alay man lang sana ng kalayaan at kaluwalhatian sa paanan ng kaniyang lupang kinagisnan. Dito ay
hindi bulag ang inang bayan, bagama’t tahimik ito at walang kibo sa kasawiang kaniyang mga sinapit, buong dangal niyang
ipinagmamalaki ang mga naghandog ng buhay nila sa ngalan ng paghihimagsik sa mapaniil na pamumuno at bulok na sistema.
Tinapos
ni Rizal ang akda sa pamamagitan ng pagsasabing kahit ano pa man ang kalagayan nating lahat, nararapat lamang na mahalin natin
siya at dapat ikintal sa ating mga isipan ang paghahangad ng kaniyang kagalingan. Sa mga taong nawalan ng mga ama, anak at
pamilya, sa mga taong nasira ang mga pangarap at mga mithiin dahil sa buong pusong pagliligtas sa kanya mula sa pagkakagapi,
walang mas hihigit pa sa Inang bayan kaya dapat lamang itong bigyan ng pag-ibig na hindi lamang tumitingin sa nakalipas na
panahon kundi sa kapakanan nito para na rin sa hinaharap.
|

|

|

|

|
P.I. 100 MHQ1 1st Sem SY 2004-2005 7:00-8:30 Group Copyright
Para sa inyong mga komento, suhestiyon, kuro-kuro at ano pa man: Mag-email lamang sa maw_alyas_liv@yahoo.com o mag send ng online message sa yahoo i.d. na penny_leyn at agad naming
sasagutin ang mga ito.
|

|

|